Ipinalabas ngayong araw ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina ang GDP ng bansa noong unang hati ng kasalukuyang taon. Ayon sa inisyal na kalkulasyon, halos 27 trilyong yuan RMB ang GDP ng Tsina noong unang hati ng taong ito. Ito ay lumaki ng 7.4% kumpara sa gayunding panahon ng nagdaang taon.
Ipinahayag ni Sheng Laiyun, Tagapagsalita ng naturang kawanihan, na sa susunod na yugto, igigiit ng Tsina ang reporma at inobasyon, at pagsisikapang isaayos ang estruktura at pagbabago sa pamaraan ng paglaki ng kabuhayan. Dagdag pa niya, masikap na patitibayin din ang matatag at mainam na tunguhin ng kabuhayan, para mapasulong ang tuluy-tuloy at malusog na pag-unlad ng kabuhayan at lipunan.
Salin: Vera