Ayon sa pahayag kahapon ng Ministring Panlabas ng Algeria, nakipag-usap na ito sa Pransiya kaugnay ng pagpapauwi ng bangkay ng mga nasawing Pranses dahil sa pagbagsak ng Flight AH5017 ng Air Algerie.
Ipinahayag din ng Ministring Panlabas ng Algeria ang pag-asang malilinaw ng Pransiya ang may kinalamang pananalita ni Pangulong François Hollande. Nauna rito, sinabi ni Hollande na kailangang ihatid sa Pransiya ang lahat ng mga bangkay para sa imbestigasyon. Ayon naman sa kaugalian ng Algeria, ang mga bangkay ay kailangang ipauwi at ilibing sa lalong madaling panahon.
Noong ika-24 ng buwang ito, nawala ang AH5017 sa radar screen, 50 minuto pagkaraang lumipad mula sa Ouagadougou, kabisera ng Burkina Faso papuntang Algiers. Pagkatapos, kinumpirma itong bumagsak sa Mali.
Isang daa't labingwalong (118) pasahero at crew ang lulan ng eroplano. Limampu't apat (54) sa mga pasahero ay mula sa Pransiya samantalang ang iba pang mga pasahero ay galing sa Burkina Faso, Algeria, Lebanon, Belgium, Luxemburg, Alemanya, Cameroon, Nigeria at Ehipto. Ang lahat ng anim na crew ay mula sa Espanya.
Salin: Jade