Nay Pyi Taw--Binuksan kahapon ang Ika-4 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng East Asia Summit (EAS). Lumahok dito si Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina.
Ipinahayag ni Wang na nitong nagdaang taon, puspusang pinasulong ng EAS ang estratehikong diyalogo sa pagitan ng mga kasapi nito, at kasabay nito, sumulong din ang pagtutulungan ng mga miyembro sa anim na larangang kinabibilangan ng enerhiya at pangangalaga sa kapaligiran, pinansiya, edukasyon, kalusugang pampubliko, pangangasiwa sa kalamidad, at connectivity.
Ipinahayag din ni Wang na ang taong 2015 ay ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng EAS. Umasa aniya siyang masasamantala ng mga kasapi ang pagkakataong ito para mapasulong ang ibayo pang pag-unlad ng EAS. Ipinagdiinan ng ministrong panlabas na Tsino na sa prosesong ito, kailangang patingkarin ang pangunahing papel ng ASEAN. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Tsina na pasulungin, kasama ang iba pang miyembro ng EAS, ang komprehensibong ekonomikong partnership at talastasan sa pagtatatag ng malayang sonang pangkalakalan ng Asya-Pasipiko.
Salin: Jade