Si Zou Yuxi ay 25 anyos. Unang trabaho niya ang Youth Olympic Games na idinaraos kasalukuyan sa Nanjing, Jiangsu, Tsina. Sa Main Media Center, makikita si Zou Yuxi o Zoe sa Ingles na abala sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga reporter mula sa iba't ibang bansa. Siya ay isang Language Service Manager at impormasyon ang kanyang ibinabahagi.
Minsan, nalagay siya sa alanganin dahil isang Arabe ang humungi ng tulong sa kanya. Walang nakaiintindi sa lalaki at walang translator na makatutulong sa kanya. Dumiskarte si Zoe at kinailangan pa niyang humanap sa labas ng volunteer pool para maayos ang problema na ito. Salamat sa isang contractor na solb ang problema. Ani ng dalaga, ito ang isa sa pinakamahirap na naging gawain niya dahil hindi komon ang marunong magsalita ng Arabic.
Payo niya sa mga dayuhan na bukod sa sikat na pasyalan, dapat dayuhin ang mga iskinita at sulok ng Nanjing para lubos na maramdaman ang pamumuhay sa lunsod. Dapat ding tikman ang lokal na pagkain.
Ang pagiging bahagi ng Ikalawang Youth Olympic Games ay di malilimutang karanasan para kay Zoe na may degri sa pagtuturo ng Ingles. Isang karangalan sabi niya ang magsuot ng t-shirt ng YOG staff. At karangalang makita ang pag-usbong at pag-unlad ng Nanjing dahil sa Olimpiyadang ito.