Bubuksan bukas sa Nanning, Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi, sa dakong timog-kanluran ng Tsina ang Ika-11 China-ASEAN Expo o CAEXPO at Ika-11 China ASEAN Business and Investment Summit (CABIS). Ang gaganaping CAEXPO ay natatapat sa unang taon ng ikalawang dekada ng pagtatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at CAEXPO.
Ang tema ng gaganaping CAEXPO ay "Magkakasamang Pagtatatag ng Maritime Silk Road para sa Ika-21 Siglo." Kasabay nito, ang upgrading ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Tsina at ASEAN o CAFTA ay magsisilbi ring pangunahing paksa.
Ipinalalagay ni Yuan Bo, dalubhasa ng Instituto ng Pananaliksik sa Pandaigdig na Kalakalan at Kabuhayan ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na may mahigpit na kaugnayan ang pagtatatag ng Maritime Silk Road at ang upgrading ng CAFTA.
Idinagdag pa ni Yuan na kapuwa itinatampok ng nasabing dalawang target ang pagpapasulong sa pagpapalitan ng Tsina at ASEAN sa mga may kinalamang patakaran, pagpapasulong sa pag-uugnayang panlupa at pandagat ng dalawang panig, pagpapasulong ng kanilang maalwang pagkakalakalan, pagpapasulong ng pagtutulungang pinansyal, at pagpapasulong din ng pag-uunawaan ng mga mamamayan.
Ayon sa isang bersyon ng Maritime Silk Road, magmumula ito sa Fuzhou, punong lunsod ng lalawigang Fujian sa timog-silangan ng Tsina, patimog sa teritoryo ng mga bansang ASEAN. Mula sa Malacca Strait, pakanluran ang Maritime Silk Road sa mga bansa sa baybayin ng Indian Ocean. Pagkatapos, makikipag-ugnayan ito sa land-based Silk Road sa Venice sa pamamagitan ng Red Sea at Mediterranean.
Animnapung (60) negosyanteng Pinoy ang kalahok sa gaganaping CAEXPO. Si Department of Trade and Industry Undersecretary Nora Terrado ang puno ng delegasyon ng Pilipinas.
Para sa mga ulat hinggil sa delegasyong Pilipino, abangan ninyo ang mga ulat mula kina Mac at Ernest na kasalukuyang nagkokober sa Guangxi.
Salin/Editing: Jade