BEIJING, Tsina—Sinabi kahapon ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na ang tema ng katatapos na Unang World Internet Conference (WIC) na may kinalaman sa pagpapasulong ng pandaigdig na Internet interconnectivity at magkakasamang pangangasiwa ay nagpapakita ng pagbubukas, pagtutulungan at magkasamang kaunlaran ng lahat ng mga miyembro ng komunidad ng daigdig.
Winika ito ni Premyer Li sa kanyang pakikipagtagpo sa mga kalahok sa nasabing kapipinid na pulong.
Idinaos sa Wuzhen, lalawigang Zhejiang sa dakong silangan ng Tsina ang WIC mula ika-19 hanggang ika-21 ng buwang ito.
Lumahok dito ang humigit-kumulang 1,000 propesyonal, opisyal at dalubhasa sa Internet mula sa 100 bansa at rehiyon. Kabilang sa mga kalahok ay mga tagapagtatag ng tatlong pangunahing Internet companies ng Tsina na kinabibilangan ng Alibaba, Tencent at Baidu, at mga kinatawan mula sa pandaigdig na higante na gaya ng Apple, Amazon, Google at Facebook.
Salin: Jade