|
||||||||
|
||
PINAG-USAPAN ang mga karanasang natamo ng mga mamamayan, mangangalakal at maging ng mga nasa pamahalaan noong tumama ang lakas ng bagyong si "Yolanda," higit na sa isang taon ang nakalilipas. Naganap ito sa 5th Membership General Meeting ng Employers Confederation of the Philippines sa Asian Institute of Management kanina.
Para kay Ginoong Oliver Cam ng Tacloban City Chamber of Commerce and Industry, wala pa ring tatalo sa ibayong paghahanda para sa kalamidad. Hindi sapat ang mga babalang ipinalabas sapagkat kailangang maunawaan ng madla ang kahulugan ng mga katagang "storm surge." Idinagdag pa niya na walang anumang konsultasyong ginawa sa mga mangangalakal sa Tacloban City sa mga pulong ng Regional Disaster Management Council at maging sa lokal na antas.
Nasayang lamang ang laman ng mga bodega sapagkat halos puno ang mga bodega ng mga tindahan bilang paghahanda sa kapaskuhan. Marami umanong pagkain at mineral water ang nasayang at nauwi sa mga magnanakaw. Sapat umano ang kanilang naimbak para sa dalawang linggong pangangailangan ng may apat na milyong katao sa Eastern Visayas.
Isang malaking biyaya ang hindi pagkasira ng San Juanico Bridge sapagkat higit na paghihirap ang kanilang mararanasan kung napinsala ng tuluyan ang nag-uugnay sa mga lalawigan ng Samar at Leyte na naitayo noon pang dekada sitenta.
Hindi umano nadama ng mga mamamayan ang mga tauhan ng Disaster Risk Reduction Management Council, mga kawal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at maging ng Philippine National Police. Nakalulungkot umanong walang dalang mga satellite phone ang mga opisyal ng pamahalaan sa tindi ng pinsalang idinulot ng bagyo sa mga pasilidad ng telecommunication companies. Kailangan umanong magkaroon ng mas tiyak at mapagkakatiwalaang weather forecasts mula sa PAGASA.
Napwersa umano ang mga mangangalakal na bumangon ng kusa ng walang anumang ayuda mula sa pamahalaan sa loob ng unang anim na buwan ng pananalasa ng bagyo. Nagsimulang dumaloy ang low interest soft loans sa ikapitong buwan ng pananalasa ng bagyo. Ngayon ay may 49% pa lamang ng may 16,473 bahay kalakal na nakatala noong nakalipas na taon ang nakabalik sa sirkulasyon.
Matinding pinsala rin ang idinulot ng bagyo sa mga bukirin at mga pangsidaan. Idinagdag pa ni G. Cam na nakalulungkot na ang Tacloban City ang siyang regional hub ng kalakal at hindi magamit ng maayos ang daungan ng Tacloban sa pagkakaroon ng biyahe sa rutang Manila-Cebu-Tacloban sa bawat linggo. May mga barkong tanging pangkargamento lamang at tuwing may liwanag lamang nakapaglalakbay kasabay ng pagtaas ng tubig sa karagatan sapagkat napakababaw ng daungan. Malaki rin ang kabayaran sa harbor pilots kaya't mayroong nagdadalawang-isip na magkalakal pa sa Silangang Kabisayaan.
Ani G. Cam, sa pangmadaliang pagkakataon, kailangan ang mga manggagawa sa konstruksyon at pagpapasigla ng pagsasaka samantalang sa medium at long-term industrial development sa larangan ng turismo, business process outsourcing at economic infrastructure development.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |