Ipinahayag kahapon sa Singapore ni Ri Yong-ho, Punong Kinatawan ng Hilagang Korea sa Six Party Talks na nagpalitan ng kuru-kuro kamakailan ang H.Korea at Amerika hinggil sa mosyong iniharap ng una tungkol sa may-kondisyong pagtigil sa subok-nuklear. Binigyang diin ni Ri na pinakamahalaga ang pagtatakwil ng magkasanib na ensayong militar ng Amerika at Timog Korea, na posibleng alisin ang kasalukuyang maigting na kalagayan sa Peninsula ng Korea. Aniya pa, nakahanda ang H.Korea na walang pasubaling bumalik sa Six Party Talks. Winika ito ni Ri Yong-ho sa isang preskong idinaos ng Amerika at H.Korea, pagkatapos ng kanilang dalawang araw na di-pormal na pag-uusap sa Singapore.
Samantala, ipinahayag naman ni Stephen W. Bosworth, Kinatawang Amerikano ang kahalagahan na dapat unahing idaos ng H.Korea ang pormal na pakikipag-usap sa mga may-kinalamang bansa, na gaya ng Amerika, Timog Korea, Hapon at Tsina, itakwil ang planong nuklear sa Peninsulang Koreano, at tupdin ang mga kasunduang narating ng Six Party Talks, noong Setyembre, 2005.