Sa paanyaya ni Pangulong Barack Obama ng Amerika, isasagawa ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kanyang kauna-unahang dalaw pang-estado sa Amerika sa darating na Setyembre.
Bukod dito, dadalo rin si Xi sa aktibidad bilang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng United Nations (UN).
Ipinahayag ni Ruan Zongze, Pangalawang Puno ng China Institute of International Studies, na idaraos ang halalang pampanguluhan ng Amerika sa taong 2016, kaya ang pag-uusap nina Xi at Obama sa Setyembre ay makakabuti sa pananatili ng katatagan at progreso ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa hanggang sa pagsisimula ng bagong pamahalaan ng Amerika.
Sinabi naman ni Da Wei, dalubhasa mula sa China Institutes of Contemporary International Relations, na ang nabanggit na pagdalaw ni Xi sa Amerika ay makakatulong sa maayos na paghawak ng dalawang bansa sa mga hidwaan na gaya ng isyung pandagat at cyber security.
Ayon sa ulat ng New York Times, ang pag-uusap ng mga Pangulo ng Amerika at Tsina ay mahalaga, hindi lamang para sa dalawang bansa, kundi maging sa ibang mga bansa sa buong daigdig.