ABU DHABI, United Arab Emirates--Ang pinakamalaking solar plane sa daigdig ay nagsimula kahapon ng kauna-unahang pag-ikot nito sa buong mundo.
Ang eroplanong Solar Impulse 2 (Si2) ay lumipad mula Abu Dhabi, alas-7:12 (local time) o 11:12 (Manila/Beijing Time) kahapon ng umaga, para magsimula ng limang buwang biyahe. Pagkaraan ng 35 libong kilometrong paglipad sa buong mundo, babalik ito sa Abu Dhabi.
Solar energy lamang ang gagamitin ng eroplanong ito. Ang bilis ng Si2 ay 50 hanggang 100 kilometro bawat oras.
Ipinahayag ni Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) ang kanyang pagbati sa unang biyahe sa buong mundo ng Si2.
Sa pahayag na ipinalabas sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, sinabi ni Ban na ang proyektong ito ay nagsisilbing huwaran para hikayatin ang iba't ibang panig sa pagtugon sa pagbabago ng klima. Hinihikayat din nito ang buong mundo na isakatuparan ang sustenableng pag-unlad sa pamamagitan ng paglikha ng sustenable at renewable enerhiya. Idinagdag din ni Ban na dahil sa tapang at determinasyon ng mga tagapagtaguyod ng proyektong ito, puwedeng lumipad patungong bagong sustenableng kinabukasan ang sangkatauhan.
Sina Bertrand Piccard at André Borschberg ay ang imbentor at piloto ng eroplano. Ang dalawang pilotong taga-Switzerland ay salitang magpapalipad ng eroplano. Nakaiskedyul silang bumisita sa India, Tsina, Estados Unidos, Timog Europa at Hilagang Aprika bago bumalik sa Abu Dhabi.
Salin: Jade