Sa pakikipagtagpo kahapon sa Bejing kay Kouno Yohei, Puno ng Samahang Hapones sa Pagpapasulong ng Kalakalang Pandaigdig, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na kahit may kahirapan ang estado ng kasalukuyang relasyong Sino-Hapones, nagpapahayag din ang dalawang panig ng mithiin sa pagpapabuti ng relasyong ito. Nakahanda aniya ang Tsina na patuloy na pasulungin ang estratehikong pakikipagtulungang may mutuwal na kapakinabangan sa Hapon, batay sa apat na dokumentong pampulitika ng Tsina at Hapon, at pangangalaan ang katatagan at kasaganaan ng rehiyong Silangang Asya.
Tinukoy ng Premyer Tsino na sa nalalapit na paggunita sa ika-70 anibersaryo ng tagumpay ng World Anti-Fascist War at Chinese People's War of Resistance Against Japanese Agression, hindi lamang kinakaharap ang hamon sa relasyong Sino-Hapones, kundi rin ang pagkakataong pangkaunlaran. Dagdag niya, ang susi nito'y kung paanong hahawakan ng Hapon ang mga naiwang isyung pangkasaysayan.
Ipinahayag naman ni Kouno Yohei na palaging nagsisikap ang kanyang samahan sa pagpapasulong ng mapagkaibigang pagtutulungan ng Tsina at Hapon. Sinabi niyang ang mga mamamayang Hapones ay biktima rin ng digmaan. Aniya, hindi nalilimutan ng Hapon ang mga pangyayaring pangkasaysayan, at hindi rin dapat limutin ang mga ito.