Bago siya lumisan ng Beijing patungong Rusya para lumahok sa Ika-70 Anibersaryo ng Tagumpay ng Dakilang Digmaang Makabayan ng Rusya, nagpasapubliko si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng artikulo sa pahayagang Rossiiskaya Gazeta (Russian Gazette) ng Rusya.
Sa kanyang artikulong pinamagatang Tandaan ang Kasaysayan at Lumikha ng Kinabukasan, sinabi ni Pangulong Xi na ang World War II na inilunsad ng Pasismo at Militarismo ay nagdulot ng walang-katulad na pagdurusa sa maraming bansa at tao sa buong mundo. Upang mapagtagumpayan ang nasabing digmaang mapanalakay, nagbuklod ang mahigit 50 bansa sa daigdig na kinabibilangan ng Tsina at Rusya at maraming tao ang nagbuwis ng kanilang buhay.
Ipinagdiinan din ng artikulo na ang masaklap na aral na mapupulot ay ang pang-aapi sa mahihina, pang-aabuso ng dahas at hegemonismo ay hindi katanggap-tanggap na paraan para sa mapayapang pakikipamuhayan ng sangkatauhan. Samantala, ang kapayapaan, kooperasyon, at magkasamang pag-unlad ay ang di-nagbabagong tema ng komunidad ng daigdig.
Nanawagan din ang artikulo sa iba't ibang bansa na isabalikat ang kani-kanilang tungkulin para magkakasamang matugunan ang mga isyung pandaigdig na gaya ng pagbabago ng klima, kaligtasang pang-enerhiya, cyber security at matinding pananalasa ng kalikasan.
Salin: Jade