|
||||||||
|
||
PASADO alas siete ng umaga ng dumating ang isang Pakistani Air Force plane sa Villamor Air Base sakay ang labi ni dating Philippine Ambassador to Pakistan Domingo "Doy" Lucenario, Jr.
Magugunitang nasawi ang Philippine ambassador sa pagbagsak ng isang helicopter sa Naltar Valley sa hilagang bahagi ng Pakistan noong nakalipas na Biyernes, ika-walo ng Mayo. Kasama niyang nasawi ang Norwegian Ambassador at mga maybahay ng Indonesian at Malaysian ambassadors.
Noong Lunes, ginawaran ng isa sa pinakamataaas na parangal sa mga sibilyan sina Ambassador Lucenario at Ambassador Leif Larsen.
Ginawaran ng military honors ang labi ng yumaong ambassador sa pamamagitan ng pagdadala ng kanyang labi ng Philippine Air Force honor guards. Naroon din ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs at mga kamag-anak ng yumao.
Sinamahan ang nabalong si Ginang Nida Lucenario ni Pakistano Minister of Commerce Khurram Dastgir Khan at sinundan ng kabaong na nababalot ng bandilang Pilipino.
Kabilang sa sumalubong sa labi si Justice Secretary Leila De Lima, isang kaibigan at kasama sa San Beda College of Law. Naroon din si Acting Foreign Affairs Secretary Linglingay Lacanlale at DFA Undersecretary Jesus Yabes.
Nagpasalamat ang panganay na anak ni Ambassador Lucenario, si Marien Katherine sa pakikiramay ng mga mamamayang Pilipino at maging sa ibang bansa. Kasama rin niya ang kanyang nakababatang kapatid na si Maria Dominique. Masayahin ang kanilang ama, dagdag pa ni Marien Katherine.
Bago naging Philippine Ambassador to Pakistan, naglingkod siya bilang Ambassador sa Kenya na mayroong nasasakupang 12 African nations. Siya rin ang non-resident ambassador sa Afghanistan, Kyrgyztan at Tajikistan.
Dinala na ang kanyang labi sa Arlington Chapel ng Heritage Park. Sisimulan ang paglalamay ngayong gabi. Magkakaroon ng Misa sa bawat ika-pito ng gabi hanggang sa Sabado.
Dadalhin ang kanyang labi pansamantala sa Department of Foreign Affairs sa Biyernes mula ika-siyam ng umaga hanggang ikalawa ng hapon.
Magsisimula ang lamay sa ganap na ikatlo at kalahati ng hapon. Gagawin ang libing sa Linggo matapos ang Misa sa ganap na ikawalo ng umaga.
Dadalhin ang kanyang labi sa Holy Cross Memorial Park sa Novaliches, Quezon City pagkatapos ng Misa at ililibing ang kanyang labi sa ganap na ikasampu at kalahati ng umaga.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |