|
||||||||
|
||
Sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, ipinahayag kahapon ni Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) ang kanyang pagkabahala sa mga repyugi na nananatili sa Andaman Sea at Strait of Malacca. Hinimok din niya ang mga bansa ng Timog-silangang Asya na pahintulutan ang mga repyugi na dumaong sa kanilang mga teritoryo at pangalagaan ang kanilang kaligtasan.
Ayon din sa pahayag, nakipag-usap sa telepono ang UN hinggil sa isyung ito sa Thailand, Bangladesh at Indonesia.
Hinikayat din ni Ban sa mga lider ng iba't ibang bansa na lumahok sa espesyal na pulong hinggil sa isyung ito na gaganapin sa Thailand, bago magtapos ang buwang ito. Umaasa aniya siyang malulutas ang isyung naturan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng komunidad ng daigdig.
Noong unang dako ng buwang ito, natuklasan ng kapulisan ng Thailand ang ilampung libingan at narekober ang ilang dosenang bangkay sa Songkhla, lalawigan sa dakong timog ng Thailand. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang mga nasawi ay mga Rohingya mula sa Myanmar at Bangladesh.
Bilang tugon, inatasan ni Punong Ministro Prayut Chan-ocha ng Thailand ang iba't ibang pamahalaang lokal na kaagad lutasin ang isyung ito at parusahan ang sinumang ilegal na pumipigil o nagpupuslit sa mga Rohingya.
Dahil dito, naiwan ng mga grupong nagpupuslit ng tao ang mga bapor na may lulang Rohingya sa dagat. Sapilitan namang nagtutungo ang mga ito sa Indonesia at Malaysia.
Sa loob ng nagdaang isang linggo, halos 3,000 repyugi ang dumaong sa Indonesia at Malaysia at nabigyan ng tulong. Pero, sa kasalukuyan mayroon pa ring 8,000 repyugi sa karagatan.
Ang mga Rohingya ay Muslim na namumuhay sa Myanmar at Bangladesh. Pero, hindi kinikilala ng nasabing dalawang bansa ang mga Rohingya bilang kanilang mamamayan. Dahil sa mga madugong alitan sa pagitan ng mga Rohingya at mga mananampalataya ng Budismo, maraming Rohingya ang tumakas ng Myanmar at ilegal na nandayuhan sa Thailand, Malaysia at iba pang mga bansa. Kadalasan, ang mga Rohingya sa Thailand ay pinupuslit at nagsisilbing manggagawang mababa ang suweldo at masama ang panirahan.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |