Inatasan kahapon ni Punong Ministro Prayut Chan-ocha ng Thailand ang iba't ibang pamahalaang lokal na lutasin ang isyu ng Rohingya sa loob ng sampung araw. Inutusan din ng punong ministrong Thai ang mga lalawigan na parusahan ang sinumang ilegal na pumipigil o nagpupuslit ng mga Rohingya.
Noong ika-2 ng Mayo, natuklasan ng kapulisan ng Thailand ang ilampung libingan at narekober ang humigit-kumulang 30 na bangkay sa Songkhla, lalawigan sa dakong timog ng Thailand. Noong ika-5 ng Mayo naman, ilampung katulad na libingan ang natuklasan din sa nasabing lalawigang Thai na nasa hanggahan ng Thailand at Malaysia. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang mga nasawi ay Rohingya mula sa Myanmar at Bangladesh. Sinabi ng kapulisan ng Thailand na may kinalaman sa pagpupuslit ng tao ang isyung ito.
Ang mga Rohingya ay Muslim na namumuhay sa Myanmar at Bangladesh. Pero, hindi kinikilala ng nasabing dalawang bansa ang mga Rohingya bilang kanilang mamamayan. Dahil sa mga madugong alitan sa pagitan ng mga Rohingya at mga mananampalataya ng Budismo, maraming Rohingya ang tumakas ng Myanmar at ilegal na nandayuhan sa Thailand, Malaysia at iba pang mga bansa. Kadalasan, ang mga Rohingya sa Thailand ay pinupuslit at nagsisilbing manggagawang mababa ang suweldo at masama ang panirahan.
Salin: Jade