Ipinatalastas kamakailan ng panig Tsino ang pagsisimula ng fishing ban sa South China Sea (SCS) mula ika-16 ng Mayo hanggang unang araw ng Agosto. Tinututulan naman ito ng Ministring Panlabas ng Biyetnam. Sinabi nitong ang aksyon ng panig Tsino ay lumalapastangan sa soberanya at karapatan sa pangangasiwa ng Biyetnam.
Kaugnay nito, ipinahayag ngayong araw ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina na palagian at malinaw ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng South China Sea. Nitong nakalipas na maraming taon, palagiang isinasagawa ng kinauukulang departamento ng Tsina ang fishing ban sa South China Sea sa tag-init. Ito aniya ay legal na hakbangin ng administratibong pangangasiwa ng panig Tsino, upang mapangalagaan ang yamang-dagat. Ito rin ay hakbangin ng panig Tsino sa pagsasabalikat ng responsibilidad at obligasyong pandaigdig, dagdag pa ni Hong.
Salin: Vera