TUNAY na mas mahalaga sa kalakal ang tao. Ito ang paninindigan ni Atty. Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers bilang reaksyon sa pagkasawi ng 72 manggagawa ng Kentex Manufacturing Corporation noong nakalipas na linggo.
Sa naganap na sunog, lumabas ang kakulangan ng pagtugon sa health and safety rules and regulations. Sa naganap na sunog, nabunyag ang isang malaking "sweatshop" at 'di makataong pook ng hanapbuhay. Bukod sa mababang pasahod, mas mahalaga ang tsinelas kaysa manggagawa sa pangamba ng may-ari na mawalan ng mga produkto kaya't may mga rehas ang bintana sa ikalawang palapag.
Pahayag pa ni Atty. Matula, mas mahalagang siyasatin ng mga Kagawaran ng Paggawa at Katarungan ang insidente at mapanagot ang nararapat managot.
Kailangan ding magkaroon ng pagbabalik-aral sa pagsunod sa batas ng paggawa upang maiwasan ang kapahamakan ng mga manggagawa, dagdag pa ni Atty. Matula.