Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon sa Beijing kay Pangalawang Punong Ministro Pham Binh Minh ng Biyetnam, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na nitong 65 taong nakalipas, sapul nang pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Biyetnam, nagiging pangunahing tunguhin ang tradisyonal na pagkakaibigang pangkapitbansa sa relasyong Sino-Biyetnames. Tinukoy ng Premyer Tsino na mas malaki ang komong interes kaysa sa alitan, sa pagitan ng Tsina at Biyetnam. Umaasa aniya siyang sasamantalahin ng Tsina at Biyetnam ang pangkalahatang kalagayang pangkaunlaran ng bilateral na relasyon ng dalawang panig, pasusulungin ang pagpapalitan sa mataas na antas, pahihigpitin ang pagpapalitan at koordinasyon at isasa-alang-alang ang mga isyung kapuwa pinahahalagahan ng dalawang bansa. Dagdag pa ni Li, dapat ding maayos na hawakan ang alitan, pasulungin ang pagtutulungan sa karagatan, lupa, at larangang pinansyal; tupdin ang "Kasunduan hinggil sa Pagpapatupad sa Komprehensibong Estratehikong Partnership ng Tsina at Biyetnam," at palakasin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan at win-win situation, sa pamamagitan ng mga proyekto ng imprastruktura at konektibidad, bilang priyoridad sa usaping ito.
Ipinahayag naman ni Pham Binh Minh na bilang priyoridad ng estratehikong patakaran at direksyong panlabas, palaging pinahahalagahan ng Biyetnam ang relasyong Sino-Biyetnames. Nakahanda aniya ang kanyang bansa na pasulungin ang komprehensibong estratehikong partnership sa Tsina, batay sa pagpapahigpit ng pagpapalitan sa mataas na antas; pagpapasulong sa kooperasyon sa lupa, karagatan at pinansya; pagpapalawak ng pagpapalitan sa larangan ng kultura at tauhan; at maayos na paglutas sa mga alitan.