Sa pagtataguyod ng Foreign Policy Community of Indonesia, idinaos kamakailan sa Jakarta, Indonesya, ang seminar hinggil sa patakarang panlabas ng bansang ito. Lumampas sa isang libo ang bilang ng mga kalahok sa seminar na kinabibilangan ng mga opisyal ng pamahalaan at panig militar ng Indonesya, mga diplomata ng iba't ibang bansa sa Indonesya, at mga eksperto ng mga think tank ng Indonesya at mga ibang bansa.
Lumahok din sa seminar si Xie Feng, Embahador ng Tsina sa Indonesya, at nagtalumpati siya hinggil sa relasyon at kooperasyon ng mga bagong-sibol na bansa ng daigdig.
Sinabi ni Xie na sa ilalim ng masalimuot at nagbabagong kalagayan ng daigdig, dapat isagawa ng mga bagong-sibol na bansa ang kooperasyon sa iba't ibang aspektong gaya ng pulitika, kabuhayan, seguridad, at kultura. Aniya, batay sa ideyang ito, iniharap ng Tsina ang Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road Initiative.
Ipinahayag din ni Xie na ang relasyon ng Tsina at Indonesya ay modelo ng relasyon sa pagitan ng mga bagong-sibol na bansa. Dapat aniya patuloy na palalimin ng dalawang bansa ang relasyon at kooperasyon, at palakasin ang koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, para magkasamang pangalagaan ang kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyong Asya-Pasipiko at daigdig.
Salin: Liu Kai