PARIS, Pransiya—Nagtalumpati kahapon ng umaga si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa punong himpilan ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD).
Sa kanyang talumpati, inilahad ni Premyer Li ang karanasan ng Tsina sa pagpapasulong ng kabuhayan nitong mahigit 30 taon sapul nang isagawa ng bansa ang reporma at pagbubukas sa labas. Iniharap niya ang tatlong mungkahi para maisakatuparan ang magkakasamang pag-unlad ng komunidad ng daigdig.
Una, kailangang pangalagaan ang kapaligiran para sa mapayapang pag-unlad. Para rito, dapat buong-tatag na sundin ng mga bansa ang Karta ng United Nations (UN) at panatilihin ang pandaigdig na kaayusan na kung saan ang UN ay gumaganap ng nukleong papel.
Ikalawa, kailangang pabilisin ang repormang pang-istruktura. Dapat lagumin ang aral ng pandaigdig na krisis na pinansyal at alisin ang hadlang na pansistema. Makakatulong ito sa pagpapasigla ng kakayahang inobatibo ng mga indibiduwal. Makakatulong din ito sa pagpapasulong ng inklusibong pag-unlad.
Ikatlo, kailangang pasulungin ang pandaigdig na pagtutulungan. Kaugnay nito, sinabi ng premyer Tsino na nakahanda ang Tsina na iugnay ang kapabilidad ng bansa sa paggawa ng kasangkapan sa pangangailangan ng iba pang mga umuunlad na bansa at bentaheng pansiyensiya't panteknolohiya ng mga maunlad na bansa, para mapasulong ang trilateral na kaunlaran at kasaganaan.
Salin: Jade