|
||||||||
|
||
LUMISAN sa kanyang puesto bilang punong lungsod ng Makati si Mayor Jejomar Binay Jr. samantalang naghihintay ng desisyon ng Court of Appeals sa kanyang petisyon na humihiling ng restraining order para sa kanyang suspension mula sa Ombudsman.
Sa isang press conference na napanood sa mga himpilan ng telebisyon, sinabi ng nakababatang Binay na pansamantala siyang umaalis sa kanyang puesto.
Lumabas siya sa city hall at tiniyak sa kanyang mga tagasunod na hindi pa tapos ang laban. Kasama niya ang kanyang ama, si Vice President Jejomar C. Binay, ang kanyang inang si Elenita, at mga kapatid na sina Senador Nancy at Congresswoman Mar-len Binay.
Ayon sa nakababatang Binay, isang human rights lawyer ang kanyang ama at 'di tulad ng mga kalaban sa politika na gumagamit ng buong puersa ng pamahalaan.
Iginagalang niya ang desisyon ng Court of Appeals na hindi nagdesisyon sa kanyang petisyon hanggang walang sagot ang Ombudsman.
Naunang tumanggi ang mga Binay na tanggapin ang kautusan ng Ombdusman na dala ng Department of Interior and Local Government kahapon kaya't nagkaroon ng kaguluhan sa paligid ng city hall.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |