Ang kasalukuyang taon ay ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Singapore. Ipinagdiriwang din ng dalawang bansa ang ika-21 kaarawan ng China-Singapore Suzhou Industrial Park na nakabase sa Jiangsu, lalawigan sa dakong silangan ng Tsina.
Logo ng China-Singapore Suzhou Industrial Park
Pinamamahalaan ng China-Singapore Suzhou Industrial Park Development Group CO., Ltd (CSSD) ang pagpapaunlad sa industrial park na ito. Sinabi ni Lim King Boon, Pangalawang Presidente ng CSSD, na masasabing resulta ng "transnasyonal na kasal" ang parkeng industriyal na ito. Idinagdag pa niyang dahil dito, sumusulong ang parke batay sa suportadong patakaran ng Tsina at Singapore. Kasabay nito, walang humpay na pinapasulong ng CSSD ang upgrading at inobasyon sa Parke. Ipinaliwanag ni Lim na noong simula, mayroon lamang mga bahay-kalakal ng paggawa sa Parke, at sa kasalukuyan, binubuo ito ng iba't ibang sub-park na nagtatampok sa nanotech, incubator, biotech at iba pa. Kasabay nito, ang Soochow University at National University of Singapore (NUS) ay nagtatag din ng kani-kanilang Research and Development (R&D) centers sa loob ng Parke.
Ipinagdiinan din ni Lim na ang China-Singapore Suzhou Industrial Park ay nagsisilbi ring plataporma para sa mga bahay-kalakal mula sa Tsina, Singapore at buong daigdig para mapalawak ang kanilang pamilihan sa ibayong dagat. Halimbawa, sa tulong ng NUS R&D Center, mahigit 10 bahay-kalakal na Singaporeano ang na-incubate sa Parke at nagsimula na ng negosyo sa Tsina.
Salin: Jade