MULA sa Dumaguete City, sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor na inatasan na ni PNP Director General Ricardo Marquez ang kanilang mga operatiba sa buong bansa na palabasin ang mga tauhan mula sa mga tanggapan at tumulong na sa pagpapatrolya sa mga lansangan sa pinakamadaling panahon.
Sa isang panayam kay Chief Supt. Mayor, sinabi niyang sinimulan na ito ni General Marquez noong nanunungkulan siya sa Ilocos Region bilang regional director.
Sa ilalim ng palatuntunan, ang mga naglilingkod sa mga tanggapan ay hihilingan na magpatrolya man lamang ng kahit isang oras sa bawat araw upang madagdagan ang mga tauhang naglilingkod sa mga lansangan at makapigil ng krimen.
Ani General Mayor, nararapat na iilan lamang ang mga nasa mga opisina at matatamo ang ratio na 90% sa lansangan samantalang 10% ang nasa mga tanggapan.
Dumalaw sa Dumaguete City si General Mayor matapos maging panauhing tagapagsalita sa tatlong araw na pagsasanay ng mga chief of police sa 25 mga lungsod at bayan ng Negros Oriental sa ilalim ni Sr. Supt. Dionards Carlos.