Kaugnay ng insidente ng pagsabog sa Thailand, sinabi kahapon ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na mahigpit na kinondena ng panig Tsino ang insidenteng ito. Ipinahayag aniya ng panig Tsino ang lubos na pakikidalamhati sa mga nasawi na kinabibilangan ng mga Tsino, at ang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya ng biktima at nasugatan.
Ani Hua, pagkaraang maganap ang pagsabog, agarang umaksyon ang Ministring Panlabas at Embahadang Tsino sa Thailand para maayos na mahawakan ang mga may-kinalamang gawain. Aniya, hinihiling ng panig Tsino sa panig Thai na imbestigahan ang sanhi ng nasabing insidente sa lalong madaling panahon, at pabutihin ang mga gawain pagkatapos ng insidente, at isagawa ang mga mabisang hakbangin para maigarantiya ang seguridad ng mga organo at tauhang Tsino sa Thailand.
Salin: Li Feng