|
||||||||
|
||
Ito ang nabatid ng delegasyon ng mga mamamahayag mula sa Pilipinas sa kanilang pagbibigay-galang sa Sultan ng Sulu at pakikipag-usap sa kanyang mga kamag-anak na nanirahan na rin sa Tsina.
Nag-ugat ito sa pagkakaibigan ng Sultan ng Sulu at ng pinuno ng Ming Dynasty (1368 A.D.—1644 A.D.) ng Tsina. Ayon sa mga datos ng Tsina, nagpapalitan ng mga pagdalaw ang mga Pilipino at mga Tsino sa kanilang malayang paglalayag sa karagatan tulad ng pagdalaw ni Sultan Paduka Pahala ng Sulu upang magpugay kay Emperador Yongle noong taong 1417 sa ika-15 taon ng Yongle Empire.
Naging marangal ang pagdalaw ni Sultan Pahala sa mainit na pagtanggap sa kanya at sa kanyang delegasyong binubuo ng ilang daang katao. Nagtagal sila ng 27 araw sa Beijing. Pabalik na sana sa Pilipinas ang sultan subalit nagkasakit siya pagsapit sa Dezhou, siyudad sa lalawigang Shandong sa dakong silangan ng Tsina, noong ika-13 ng Setyembre, 1417.
Nabalitaan ng Emperador ang pagkakasakit at pagkamatay ng kanyang matalik na kaibigan kaya't inatasan niya ang kanyang mga opisyal na bigyan ng isang marangyang libing ang Sultan ng Sulu.
Kinilala ni Emperador Yongle ang kanyang kaibigan bilang isang matalino at mababang-loob na tao. Higit sa lahat, pinahalagahan ni Emperador Yongle ang ginawa ni Sultan Pahala upang higit na maging malapit ang pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Inatasan ng emperador ang kanyang mga tauhan na maglagay ng mga palamuti tulad ng mga inukit sa batong mga tao, kabayo at mga tupa sa katimugang bahagi ng kanyang puntod. Sa ganitong pangyayari, maihahalintulad na rin ang kanyang libing sa puntod ng mga prinsipeng Tsino.
Kasama ni Sultan Pahala sa pagdalaw sa Tsina ang kanyang maybahay na si Kamulin at tatlong mga anak na lalaki. Matapos ang libing ng Sultan, ang kanyang panganay na anak na lalaki, si Rajah Baginda, ang bumalik sa Sulu upang makahalili ng kanyang ama.
Ang balong si Kamulin, ang pangalawang anak na si Wen at pangatlong anak na si An ang nanirahan sa Dezhou upang bantayan ang puntod ng yumaong sultan. Binayaran pa ng pamahalaan ang mga naulila at binigyan pa ng lupain kasabay ng pagpapadala ng mga kawal na magbabatay sa puntod.
Sa pakikinig ng mga mamamahayag sa mga opisyal ng Dezhou, nabatid na noong nanunungkulan si Emperador Shenzong noong 1573 hanggang sa mapalitan ni Emperador Xizong noong 1627 isang mosque na ang itinayo sa pook.
Ang Musoleo, sa Makabagong Panahon
Hanggang ngayon ay napangalagaan at napaganda pa ang libingan ng Sultan ng Sulu. Nagbigay ng dalawang milyong yuan si G. Carlos Chan, Chairman ng Liwayway China Inc. upang higit na maayos ang libingan.
Isinailalim na rin ang musoleo noong ika-13 ng Enero 1988 sa national key cultural relics protection unit.
Ginawan na rin ng libingan sina Kamulin at dalawang anak na lalaki. Inayos din ang mga sinaunang mga bakod.
Malaki rin ang naging papel ng Shandong Provincial Governor noon pa mang 1956 sa deklarasyon ng musoleo ng tinaguriang "Sulu East King"
Nakadaupang-palad ng delegasyon si An Jing na mula sa ika-19 na saling-lahi ni Sultan Pahala. Doon na nanirahan at nagkapamilya ang mga kamag-anak ni Sultan Pahala at naging sangkot na sa karaniwang buhay ng mga Tsino. May dalawa pang kamag-anak ang pumanaw na Sultan na nakasama sa pagtatanggol sa Tsina laban sa mga nanakop ng mga Hapones sa panahon ng World War II.
Ibinibigay ni Melo Acuňa, correspondent ng CRI Filipino Service, ang isang alaala kay An Jing, na nagmula pa sa Jolo, Sulu.
Naging mahalaga na rin ang papel ng mga kamag-anak ni Sultan Pahala sa lipunang Tsino.
Sa labas ng daan patungo sa libingan ni Sultan Pahala, makikita ang isang mosque na pinaglilingkuran ng mga inapo ni Sultan Pahala na sina An Fengdong at Ahung. May nakatakda silang espesyal na panalangin sa linggo bilang paggunita sa yumaong Sultan ng Sulu sa kanyang pagpanaw higit na sa 500 taon ang nakalilipas.
Si Melo (sa gitna), kasama ng mga inapo ni Sultan Pahala na sina An Fengdong (sa dulong kanan) at Ahung (sa dulong kaliwa)
Pagpapahalaga sa Ugnayan ng mga Mamamayan
Sa idinaos na pananghalian sa pagdalaw ng delegasyong Pilipino, sinabi ng mga kalahok na Tsino at mga dumadalaw na mga mamamahayag na pinakamahalaga ang "people-to-people" contact kahit pa mayroong mga 'di pagkakaunawaan sa larangan ng politika.
Ang musoleo na itinatag noong 1417 ay may sukat na halos lima't kalahating ektarya. Ang grand mausoleum ay may taas na higit sa apat na metro at may lawak na 16.6 metro.
Ulat: Melo/Ernest
Editor: Mac/Jade
Photographer: Melo/Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |