Sa Tokyo, Hapon—Nag-usap dito kagabi sina Shinzo Abe, Punong Ministro ng Hapon, at Nguyen Phu Trọng, dumadalaw na Pangkalahatang Kalihim ng Partido Komunista ng Biyetnam. Pagkatapos ng pag-uusap, nagpalabas ang kapuwa panig ng magkasanib na pahayag kung saan tiniyak na palalakasin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng seguridad, kabuhayan, at kalakalan, at komprehensibong palalalimin ang estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Nilagdaan ng kapuwa panig ang memorandum tungkol sa kooperasyon ng mga organo ng seguridad na pandagat. Sinang-ayunan ng Hapon na ipagkaloob ang segunda manong bapor sa Biyetnam para sa pamamatrolyang pandagat. Tiniyak din ng kapuwa panig na pasusulungin ang diyalogo at pagpapalitan sa iba't ibang antas sa larangang ito, at palalakasin ang pagsasanay ng mga talent.
Kinumpirma rin ng pahayag ang pagpapalakas ng kooperasyon ng magkabilang panig sa mga organong pandaigdig na gaya ng United Nations at World Trade Organization.
Salin: Vera