Idinaos kahapon at kamakalawa sa Chengdu, Tsina, ang ika-10 pulong ng mga mataas na opisyal ng Tsina at ASEAN hinggil sa pagpapatupad ng Declaration on the Conducts of Parties in the South China Sea (DOC).
Tinalakay ng mga kalahok ang kalagayan ng pagpapatupad ng DOC at isinagawa ang pagsasanggunian hinggil sa pagtatakda ng Code of Conduct in the South China Sea (COC).
Sinang-ayunan ng iba't ibang panig na patuloy na ipatupad ang DOC mula sa tatlong aspekto. Una, palakasin ang pagtitiwalaan ng iba't ibang bansa. Ikalawa, patuloy na pasulungin ang pragmatikong kooperasyon sa ilalim ng balangkas ng DOC. At ikatlo, pabilisin ang pagbuo ng mga mekanismo hinggil sa kaligtasan sa nabigasyon, pananaliksik na pandagat, at paglaban sa transnasyonal na krimen sa dagat.
Pagdating sa COC, binuo ng iba't ibang panig ang listahan ng mga mahalaga at masalimuot na isyu, at listahan ng mga elemento sa loob ng balangkas ng COC. Ang dalawang dokumentong ito ay magiging pundasyon ng mga gawain ng pagtatakda ng COC sa hinaharap.
Bukod dito, nagpalitan din ng palagay ang mga kalahok hinggil sa mga paunang hakbangin ng pamamahala at pagkontrol sa mga panganib sa dagat, at sumang-ayon silang itatag ang hotline ng mga mataas na diplomatikong opisyal ng Tsina at mga bansang ASEAN hinggil sa pagharap sa mga pangkagipitang pangyayari sa dagat. Ang hotline na ito ay magiging mabuting paraan para sa pagpapalakas ng pagtitiwalaan ng iba't ibang panig.
Salin: Liu Kai