Ginawa kahapon ng Permanent Court of Arbitration ang kapasiyahang nagsasabing mayroon itong hurisdiksyon sa kasong iniharap ng Pilipinas hinggil sa isyu ng South China Sea. Bilang tugon, nagpalabas ngayong araw ng pahayag ang Ministring Panlabas ng Tsina, na nagsasabing imbalido ang naturang kapasiyahan, at wala itong binding effect sa Tsina.
Anang pahayag, di-mapapabulaanan ang soberanya ng Tsina sa mga isla at nakapaligid na karagatan sa South China Sea. Anito, sa katotohanan, ang kasong iniharap ng Pilipinas ay may kinalaman sa isyu ng teritoryo at soberanya, at batay sa may kinalamang tadhana ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ipinalabas noong 2006 ng Tsina ang pahayag na nagsasabing hindi nito tanggap ang arbitrasyon pagdating sa ganitong isyu.
Dagdag pa ng pahayag, ang pagharap ng Pilipinas ng naturang kaso ay hindi naglalayong lutasin ang mga hidwaan, kundi ipagkaila ang soberanya at mga karapatan ng Tsina. Ang aksyong ito ng Pilipinas ay lumalabag sa UNCLOS, anang pahayag.
Binigyang-diin din ng pahayag na iginigiit ng Tsina ang paglutas sa isyu ng South China Sea sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian. Umaasa anito ang Tsina na babalik ang Pilipinas sa landas ng talastasan at pagsasanggunian.
Salin: Liu Kai