Nagtagpo kaninang hapon sa Shangri-La Hotel, Singapore sina Xi Jinping at Ma Ying-jeou. Ito ang kauna-unahang pagtatagpo ng mga lider ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits sapul noong 1949.
Sinabi ni Xi na nitong 7 taong nakalipas, tahimik ang kalagayan sa Taiwan Straits at mabunga ang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang. Binigyang-diin ni Xi na hindi dapat mawala ang natamong bunga ng mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang.
Ipinahayag naman ni Ma na ang kasalukuyang kapayapaan at katatagan sa Taiwan Straits ay pinapurihan ng magkabilang pampang at komunidad ng daigdig, at dapat pahalagahan ang kalagayang ito. Aniya pa, may kakayahan ang magkabilang pampang na mapayapang hawakan ang kanilang relasyon.
Ipinalalagay ng kapwa panig na dapat igiit ang 1992 Consensus, patatagin ang komong pundasyong pulitikal, pasulungin ang mapayapang relasyon, at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa Taiwan Straits. Dagdag pa nila, dapat palakasin ng magkabilang pampang ang diyalogo, palawakin ang pagpapalitan, palalimin ang pagtutulungan, at magdulot ng benepisyo sa mga kababayan.
Salin: Liu Kai