Isinalaysay noong Miyerkules ng Ministring Panlabas ng Tsina ang hinggil sa gagawing biyahe ni Pangulong Xi Jinping sa Pransya, Zimbabwe at Timog Aprika.
Sinabi ni Pangalawang Ministrong Panlabas Liu Zhenmin na sa Paris, Pransya, dadalo si Pangulong Xi sa seremonya ng pagbubukas ng United Nations Climate Change Conference, at magtatalumpati hinggil sa mga palagay at mungkahi ng Tsina sa pandaigdig na pangangasiwa sa klima. Umaasa aniya ang Tsina na sa naturang pulong, matatamo ang komprehensibo, balanse, at epektibong bunga.
Kaugnay naman ng biyahe sa Zimbabwe at Timog Aprika, sinabi ni Pangalawang Ministrong Panlabas Zhang Ming, na magsasagawa si Pangulong Xi ng dalaw-pang-estado sa nasabing dalawang bansa, at dadalo rin sa summit ng Forum on China-Africa Cooperation na idaraos sa Johannesburg, Timog Aprika. Ani Zhang, pasusulungin ng biyaheng ito ang relasyon at kooperasyon sa pagitan ng Tsina at naturang mga bansa, at ng Tsina at buong Aprika.
Salin: Liu Kai