Mula kamakalawa hanggang ngayong araw, idinaos sa Beijing ang work meeting ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Dumalo at bumigkas ng mahalagang talumpati si Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC, Pangulo ng bansa, at Tagapangulo ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng CPC.
Binigyang-diin ni Xi na ang pagpapalakas ng tanggulang bansa at reporma sa hukbo ay kahilingan para sa pagsasakatuparan ng "Chinese Dream," at ito rin ay landas na dapat tahakin para mapalakas at mapa-ahon ang hukbo ng bansa. Dapat aniyang malalimang tupdin ang target ng CPC sa pagpapalakas ng hukbo sa bagong kalagayan, at dapat ding komprehensibong isagawa ang estratehiya ng pagpapalakas ng hukbo sa pamamagitan ng reporma, at dapat buong tatag na tahakin ang landas na may katangiang Tsino para mapalakas ang hukbo.
Dumalo rin sa pulong ang mga kagawad ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng CPC na sina Chang Wanquan, Fang Fenghui, Zhang Yang, Zhao Keshi, Zhang Youxia, Wu Shengli, Ma Xiaotian, at Wei Fenghe.
Salin: Li Feng