Sa pakikipag-usap sa Beijing, Huwebes, Disyembre 24, 2015 sa kanyang Vietnamese counterpart na si Nguyen Sinh Hung, ipinahayag ni Zhang Dejiang, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina(NPC), na ang pagpapalalim ng mapagkaibigang pagtutulungang may-mutuwal na kapakinabangan ng Tsina at Biyetnam ay angkop sa komong interes ng dalawang bansa. Samantala, nakahanda aniya ang NPC na pahigpitin, kasama ng Parliamento ng Biyetnam ang tradisyonal na pagtutulungan ng dalawang panig sa ibat-ibang larangan, palalimin ang pag-uunawaan, pagtitiwalaan at pagkakaibigan ng mga kabataan, at ibayo pang pasulungin ang pagpapalitan sa karanasan ng reporma at pangangagasiwa sa estado. Ito aniya'y makakatulong sa pagkakaloob ng mas mainam na kapaligirang pambatas para sa pragmatikong pagtutulungan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Nguyen Sinh Hung, na ang pag-unlad ng Tsina ay makakatulong sa pagsasakatuparan ng kapayapaan at kaunlaran ng Biyetnam at buong rehiyon. Nakahanda aniya ang Biyetnam na magsikap, kasama ng Tsina, para maisakatuparan ang pangmatagalang tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa, batay sa pagpapalalim ng pagpapalitan, pagpapalawak ng pagtutulungang may-mutuwal na kapakinabangan, at maayos na paglutas at paghawak sa nagkakaibang palagay.