Sa pahayag na ipinalabas kagabi, Lunes, ika-4 ng Enero, kinondena ng United Nations Security Council (UNSC) ang pag-atake sa embahada at konsulada ng Saudi Arabia sa Iran.
Nanawagan ang UNSC sa pamahalaan ng Iran na lubos na isabalikat ang sariling obligasyong pandaigdig, para igarantiya ang kaligtasan ng mga diplomatiko at konsular na ari-arian at tauhan ng ibang bansa. Hinimok din nito ang Iran at Saudi Arabia na panatilihin ang diyalogo at isagawa ang hakbangin, para mapahupa ang kasalukuyang tensyon.
Noong ika-2 ng buwang ito, binitay ng Saudi Arabia ang isang kilalang Shiite cleric na si Sheikh Nimr al-Nimr. Nagdulot ito ng malakas na protesta mula sa mga Shiite Muslim sa Iran. Inatake nila ang embahada ng Saudi Arabia sa Tehran at konsulada sa Mashhad. Dahil dito, pinutol ng Saudi Arabia ang relasyong diplomatiko sa Iran. At kasunod nito, pinutol din ng Bahrain at Sudan ang relasyong diplomatiko sa Iran, at binaba naman ng United Arab Emirates ang lebel ng relasyong diplomatiko sa Iran.
Salin: Liu Kai