Ayon sa Xinhua News Agency, isinapubliko ngayong araw, Pebrero 13, 2016, ng organong panaklolo ng Taiwan ang pinakahuling datos na nakasaad na hanggang alas-8:38 kaninang umaga, umakyat sa 108 ang bilang ng mga nasawi sa lindol sa katimugan ng Taiwan, at 9 iba pa ang nawawala.
Noong madaling araw ng Pebrero 6, 2016, naganap ang lindol na may lakas na 6.7 sa richter scale sa katimugan ng Taiwan. Ayon pa sa pinakahuling datos na isinapubliko kahapon ng Departamento ng Kalusugan ng Tainan City, mahigit 500 katao ng lunsod na ito ang nasugatan sa nasabing lindol. Hanggang sa kasalukuyan, 57 katao ang nagpapagamot pa sa ospital.
Ipinahayag ng pamahalaang panlunsod ng Tainan na bubuuin ang magkasanib na sentro ng serbisyo para koordinahin ang iba't-ibang departamento sa mabisang paglutas sa mga problema ng mga apektadong mamamayan.
Salin: Li Feng