Binuksan kahapon, Biyernes, ika-26 ng Pebrero 2016, sa Shanghai, Tsina, ang unang pulong ng mga ministrong pinansyal at gobernador ng bangkong sentral ng G20 sa taong ito.
Nagpadala ng video speech sa pulong si Premyer Li Keqiang ng Tsina. Sinabi niyang kailangang palakasin ng mga kasapi ng G20 ang koordinasyon sa patakaran ng makro-ekonomiya, pasulungin ang repormang pang-estruktura, at pabutihin ang pandaigdig na pangangasiwa sa kabuhayan at pinansyo.
Ipinahayag din niya ang pag-asang sa pamamagitan ng pulong na ito, titipunin ng mga kasapi ang komong palagay, para sa G20 Summit na idaraos sa Hangzhou, Tsina, sa darating na Setyembre ng taong ito.
Sa seremonya ng pagbubukas ng naturang pulong, sinabi naman ni Lou Jiwei, Ministrong Pinansyal ng Tsina, na gagawin sa pulong ang paghahanda sa aspekto ng pinansyo para sa G20 Hangzhou Summit. Tatalakayin aniya ng mga kalahok ang hinggil sa kalagayan ng pandaigdig na kabuhayan, pagkokoordina sa mga patakaran ng iba't ibang kasapi, pandaigdig na pangangasiwa sa pinansyo, at iba pa.
Salin: Liu Kai