Ayon sa taunang ulat ng Arabian American Oil Company o Saudi Aramco, noong taong 2015, ang 65% ng kabuuang bolyum ng iniluluwas na langis ng Saudi Arabia ay pumasok sa mga bansang Aysano na gaya ng Tsina, Hapon, Timog Korea, Pilipinas at India.
Ayon pa sa ulat, noong 2015, umabot sa 10.2 milyong bariles ang kabuuang output ng langis ng bansang ito, at 7.1 milyong bariles ang iniluwas sa ibang mga bansa. Ang bilang na ito ay lumaki ng 300,000 bariles kumpara sa taong 2014.
Sinabi ni Khalid al-Falih, Ministro ng Enerhiya ng bansang ito at Tagapangulo ng Saudi Aramco, na hindi babawasan ng kanyang bansa ang bolyum ng output ng langis. Sinabi pa niyang patuloy na mamumuhunan ang kanyang bansa sa larangan ng langis, nananalig din aniya siyang patuloy na tataas ang pangangailangang pandaigdig sa langis sa hinaharap.
Sinabi naman ni Amin Nasser, Chief Executive Officer ng Saudi Aramco, na inaasahan niyang tataas ang presyo ng langis sa katapusan ng taong ito.