Idinaos ngayong araw, Miyerkules, ika-15 ng Hunyo 2016, sa Beijing ng Ministring Panlabas ng Tsina ang news briefing hinggil sa gagawing pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping sa Serbia, Poland, at Uzbekistan.
Isinalaysay ni Asistenteng Ministrong Panlabas Liu Haixing, na ang pagpapasulong ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road o "Belt and Road" Initiative ay isang pokus ng biyaheng ito. Ayon sa kanya, sa panahon ng pagdalaw, lalagdaan ng Tsina at naturang tatlong bansa ang mga bilateral na kasunduang pampamahalaan at mga kontratang komersyal hinggil sa mga proyekto sa ilalim ng "Belt and Road" Initiative.
Sa pananatili sa Uzbekistan, dadalo rin si Pangulong Xi sa Ika-16 na Summit ng Shanghai Cooperation Organization (SCO). Kaugnay nito, isinalaysay naman ni Asistenteng Ministrong Panlabas Li Huilai, ang dalawang pangunahing nilalaman ng summit na ito. Ani Li, una, magpapalitan ng palagay ang mga kalahok na lider hinggil sa mga mahalagang isyung panseguridad at pangkabuhayan sa rehiyon at daigdig; at ikalawa, tatalakayin nila ang hinggil sa pagpapalalim ng kooperasyon sa iba't ibang larangan sa loob ng SCO.
Salin: Liu Kai