|
||||||||
|
||
MAINIT na pinag-usapan sa Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga ang napipintong pagbabalik ng parusang kamatayan sa Pilipinas sa ilalim ng liderato ng papasok na pangulo ng bansa, si G. Rodrigo Roa Duterte.
CRIMINAL JUSTICE SYSTEM, AYUSIN. Ito ang panawagan ni dating Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III (pangalawa mula sa kaliwa) sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Na sa larawan din sa kaliwa si Bro. Rudy Diamante ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na hindi kailangang ibalik ang death penalty sapagkat 'di naman nasusugpo ang krimen sa parusa. Mas makabubuting pigilan ang mga mamamayang lumabag sa batas, dagdag pa ni G. Diamante. Na sa gawing kanan naman si F.r Jerome Secillano ng CBCP-Public Affairs na nagpaliwanag sa posisyon ng Simbahan sa parusang kamatayan. (Avito Dalan)
Sinabi ni dating Interior and Local Government Secretary Rafael M. Alunan III na marapat lamang suriin ang nagaganap sa kinikilalang sandigan ng criminal justice system na kinabibilangan ng nagpapatupad ng batas, naglilitis, mga kasapi ng hudikatura, nagpapataw ng parusa at nag-aalaga sa mga nakabimbin at maging komunidad.
Para kay Bro. Rodolfo Diamante ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na tinalikdan na ng Pilipinas ang parusang kamatayan sapagkat hindi naman nito nagsupo ang krimen at iba pang mga paglabag sa batas ng ibalik ito.
Magugunitang pinawalang-bisa ang probisyon na nagpapataw ng parusa sa mga lumalabag sa batas sa ilalim ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada. Noong 2006, inalis na ang probisyon sa batas na nagpapataw ng parusang kamatayan sa ilalim ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa panig naman ni G. Martin Dino, ang kinatawan ng Volunteers Against Crime and Corruption, marapat ding tingnan ang panig ng mga biktima at mga naulila dala ng karumal-dumal na krimen. Ipinaliwanag niyang tama ang direksyon ni G. Duterte na sugpuin ang droga at kriminalidad sapagkat nakakarindi na ang mga balita tulad ng isang inang sumaksak sa tatlong taong gulang na anak at ng isang amang lango sa droga na nanaksak ng kanyang sariling anak.
Sinusugan naman ni Fr. Jerome Secillano, ang executive secretary ng CBCP Permanent Office on Public Affairs ang pahayag ni G. Diamante na kailangang maghilom ang sugat at pait na idinulot ng mga karumal-dumal na krimen. Kailangang magkaroon ng pagbabalik-aral sa iba't ibang bahagi ng lipunan upang mapunuan ang pagkukulang.
Idinagdag naman ni G. Adolfo Paglinawan na kinikilala ng Simbahan ang poder ng pamahalaan na magpatupad ng mga batas upang maipagtanggol ang mga kababaihan at mga pagpaslang sa pamamagitan ng parusang kamatayan.
Sumalungat naman ni G. Diamante at ang sabi'y tanging ang mahihirap lamang ang naparurusahan ng kamatayan sapagkat ang mga maimpluwensya ay nakaliligtas sa parusang kamatayan sa kanilang magagaling na abogado at mga koneksyon.
Hindi rin niya maunawaan kung bakit maliliit lamang ang nadarakip samantalang nananatiling malaya ang mga nasa likod ng mga sindikato.
Ayon kay G. Diamante, sa oras na ibalik ang parusang kamatayan sa Pilipinas, mahihirapan na rin ang pamahalaang ipakiusap ang mga Filipinong nasa death row na nahaharap sa posibleng kamatayan sapagkat wala nang panghahawakan ang bansa na wala na ring parusang kamatayan.
Para kay G. Alunan, marapat ang parusang kamatayan sa mga taong naghahasik ng takot sa taongbayan, ang mga teroristang tulad ng Abu Sayyaf na nagpaparamdam sa pamamagitan ng pamumugot ng kanilang mga bihag tulad nang naganap kamakailan lamang.
Marapat ding parusahan ng kamatayan ang mga taong walang pigil sa pangungulimbat sa kaban ng bayan, dagdag pa ng dating Ramos cabinet member.
Bagaman, sa likod ng mainitang talakayan, sinabi ni G. Dino ng VACC na ang death penalty ay panandalian lamang sapagkat sa oras na makita na ang pagbabago sa mga mamamayan at biglang maibaba ang kriminalidad ay sususugan na rin ang batas sa death penalty.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |