SINABI ng tagapagsalita ng Manila Electric Company o MERALCO na sapat ang kuryente ngayon sa kanilang franchise area na mula sa Pagbilao, Quezon hanggang sa Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna at Metro Manila.
Sa isang panayam, sinabi ni G. Jose "Joe" Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco na sa ulat na kanilang natanggap mula sa power generators, sapat ang kuryente kaya't saklaw ng "white alert" ang kanilang nasasakupan.
Noong nakalipas na ilang araw, naideklara ng Meralco ang "yellow alert" na nangangahulugan na mababa sa 1,000 megawatts ang kanilang reserve. Manipis ang reserve kaya't kung magkaka-aberya ang isa o dalawang planta ay maaaring maideklara ang "red alert." Ang "red alert" ay nangangahulugan na magkakaroon ng power interruptions sa kanilang franchise area.
Ipinaliwanag pa ni G. Zaldarriaga na noong nagkulang ang kuryente ay hinilingan nila ang mga may-ari ng shopping malls na gamitin ang kanilang generators at babayaran na lamang sa kanilang nagamit ng panggatong. Sa pagkakataong iyon, may 300,000 tahanan ang 'di nakaranas ng power outage.