Ipinahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang anumang batayang pambatas ang digmaan laban sa Iraq na pinamunuan ng Estados Unidos. Aniya, giniba ng Amerika ang Gitnang Silangan, kaya dapat nitong ikabahala ang mga nangyayaring teroristikong pag-atake sa loob ng bansa.
Kaugnay nito, tinukoy sa Beijing kahapon, Hulyo 11, 2016, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na batid ng panig Tsino ang nasabing pananalita ni Pangulong Duterte, at ang pagsisising ginawa kamakailan ng komunidad ng daigdig tungkol sa naturang digmaan.
Ani Lu, napakalaki ng aral mula sa digmaan laban sa Iraq. Pagkatapos ng Cold War, sa katwiran ng pangangalaga sa regulasyong pandaigdig, at pagmamalabis sa ngalan ng komunidad ng daigdig, gumawa ng hakbang ang mga bansa na labag sa "UN Charter" at pandaigdigang batas. Ang mga ito aniya ay nag-iwan ng napakalaking kapinsalaan sa mga may-kinalamang rehiyon. Sinabi ng tagapagsalitang Tsino na ang posisyon ni Pangulong Duterte ay may representasyon. Ibig sabihin, hindi ninanais ng mga bansa sa rehiyong ito ang muling pagkaganap ng nasabing pangyayari sa rehiyong Asya-Pasipiko, at hindi nila gustong guluhin ang mapayapa at matatag na situwasyon sa rehiyong ito, dagdag pa ni Lu.
Salin: Li Feng