Ayon sa ulat ng Korean Central News Agency ( KCNA ), Setyembre 9, 2016, matagumpay na isinagawa ng Hilagang Korea ang nuclear test. Ito ay ika-5 nuclear test ng nasabing bansa sapul noong 2006. Kinondena ng pandaigdig na komunidad ang aksyon ng Hilagang Korea sa paglabag sa may kinalamang resolusyon ng United Nations Security Council. Anila pa, ang aksyong ito ay hindi makakabuti sa katatagan at seguridad ng rehiyon.
Nang araw ring iyon, nagpalabas ng pahayag ang Timog Korea na muling hinihimok sa Hilagang Korea na agarang itigil ang pagdedebelop ng anumang sandatang nuclear sa pamamagitan ng "verifiable and irreversible" na paraan.
Ipinahayag naman nina John Forbes Kerry, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos at Sergei Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya ang kanilang pagkabalisa sa nabanggit na nuclear test.
Hinimok naman ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang iba't ibang panig na isaalang-alang ang panlahad na kalagayan, at magtimpi. Idinagdag pa ni Hua na dapat aktuwal na magsikap ang iba't ibang panig para mapasulong ang kawalang-nuklear sa Korean Peninsula.
salin:wle