Kaugnay ng pagpanaw ni Haring Bhumibol Adulyadej ng Thailand, ipinadala Huwebes, Oktubre 13, 2016, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mensahe ng pakikiramay kay Thailand Queen Sirikit. Aniya, sa ngalan ng mga mamamayang Tsino at kanyang sarili, ipinahayag ni Pangulong Xi ang lubusang pakikidalamhati sa pagyao ni Haring Bhumibol, at ipinahayag din niya ang taos-pusong pakikiramay sa ibang mga miyembro ng Thai Royal Family at mga mamamayang Thai.
Sa kanyang mensahe ng pakikiramay, ipinahayag ng Pangulong Tsino na si Haring Bhumibol ay muhon ng pag-unlad ng estado ng Thailand. Siya rin aniya ay mahalagang tagapagpasulong sa pagkakaibigang Sino-Thai. Ang pagpanaw ni Haring Bhumibol ay napakalaking kawalan sa mga mamamayan ng dalawang bansa, aniya pa.
Inulit pa ni Pangulong Xi na pinahahalagahan ng panig Tsino ang pagpapaunlad ng relasyong pangkaibigan sa Thailand. Nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Thai, upang walang humpay na mapatibay ang pagkakaibigan, mapalalim ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at makapaghatid ng benepisyo sa dalawang bansa at kanilang mga mamamayan, dagdag pa niya.
Sa magkahiwalay na okasyon, ipinaabot din nang araw ring iyon nina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Tagapangulong Zhang Dejiang ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), ang mensahe ng pakikiramay sa panig Thai.
Salin: Li Feng