Nakipagtagpo Setyembre 4, 2016 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Punong Ministrong Prayuth Chan-ocha ng Thailand, na kasalukuyang dumadalo sa G20 Hangzhou Summit.
Tinukoy ni Pangulong Xi na lubusang pinahahalagahan ng Tsina ang mapagkaibigang pakikipagtulungan sa Thailand. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Thailand para ibayong pasulungin ang komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa sa mas mataas na antas. Umaasa ang Pangulong Tsino na pahihigpitin ng Tsina at Thailand ang pag-uugnay sa kani-kanilang pambansang estratehiyang pangkaunlaran, pasusulungin ang pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan sa ibat-ibang larangan, at palalakasin ang koordinasyon sa mga multilateral na balangkas. Aniya, bilang kasalukuyang puno ng G77 na binubuo ng mga umuunlad na bansa sa daigdig, ang pagdalo ng punong ministrong thai sa G20 Hangzhou Summit ay nagpapakita ng suporta ng mga umuunlad na bansa sa Tsina. Magsisikap aniya ang Tsina, kasama ng Thailand, para sa pagtatagumpay ng kasalukuyang G20 Summit.
Ipinahayag naman ni Prayuth Chan-ocha ang pasasalamat sa pagbibigay-paanyaya ng Tsina sa Thailand para sa Hangzhou G20 Summit. Positibo aniya ang mga umuunlad na bansa sa pagsisikap ng Tsina para palakasin ang pagtutulungan sa pagitan ng G20 at G77. Aniya, bilang kapitbansa ng Tsina, magsisikap ang Thailand para ibayong palalimin ang tradisyonal na pagkakaibigan ng mga mamamayang Tsino at Thai, at palawakin ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa ibat-ibang larangan.