Jakarta, Indonesia — Nitong Biyernes, Oktubre 21, 2016, idinaos ng delegasyong diplomatiko ng Tsina sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang "Simposyum ng mga Pangunahing Media Hinggil sa Ika-25 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Pandiyalogo ng Tsina at ASEAN." Dumalo at bumigkas ng talumpati sa simposyum sina Xu Bu, Embahador ng Tsina sa ASEAN, at AKP Mochtan, Pangalawang Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN.
Sa panahon ng simposyum, malalimang tinalakay ng mga kalahok ang tungkol sa mga temang gaya ng ginagawang papel ng mga media sa pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN, mga kinakaharap na pagkakataon at hamon ng relasyong ito, at situwasyon ng rehiyong Silangang Asyano.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Xu na sa proseso ng pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN, ang mga media ay gumaganap ng mahalagang papel para sa pagpapasulong ng relasyon ng dalawang panig, pag-uunawaan ng mga mamamayan, pagpapalalim ng pagtitiwalaan, at iba pang aspekto.
Ipinahayag naman ni Mochtan na mahaba ang kasaysayan ng pag-uugnayan ng mga bansang ASEAN at Tsina, at malalim ang kanilang tradisyonal na pagkakaibigan. Aniya, ang relasyong ASEAN-Sino ay ang pinakamahalagang bahagi sa relasyon ng ASEAN at mga dialogue partners nito.
Salin: Li Feng