Lumisan ng Beijing Miyerkules, Nobyembre 16, 2016, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina upang isagawa ang dalaw-pang-estado sa Ecuador, Peru, at Chile, at dumalo sa Ika-24 na Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na gaganapin sa Lima. Tatagal ang biyaheng ito mula ika-17 hanggang ika-23 ng kasalukuyang Nobyembre. Napag-alamang ito ang ika-3 beses na biyahe ni Pangulong Xi sa Latin-Amerika sapul ng kanyang panunungkulan bilang pangulo ng bansa. Pinaniniwalaang ibayo pang makakapagpalalim ang biyaheng ito sa tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at mga bansang Latin-Amerikano, makakapagpasulong ng kanilang kooperasyon, at makakapagpasigla sa pag-unlad ng kabuhayang Asya-Pasipiko.
Sapul nang pumasok ang ika-21 siglo, napakabilis na umuunlad ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Latin-Amerika. Walang humpay na isinusulong ng dalawang panig ang kanilang kooperasyon sa mga larangang gaya ng enerhiya, konstruksyon ng imprastruktura, agrikultura, industriya ng paggawa, inobasyong pansiyensiya't panteknolohiya, at teknolohiyang pang-impormasyon. Bunga nito'y nakapasok ang kooperasyon ng dalawang panig sa bagong yugto.
Kapwang bagong-siglang economy ang Tsina at Latin-Amerika. Sa kasalukuyang pangkalahatang kalagayang kawalang-puwersa ang pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, pag-aalma ng trade protectionism, at di-matatag na pundasyon ng paglaki ng kabuhayang Asya-Pasipiko, dapat samantalahin ng dalawang panig ang pagkakataon at pasulungin ang kooperasyon sa kakayahan ng produksyon upang ibayo pang mapasigla ang pag-unlad ng kabuhayang Asya-Pasipiko.
Salin: Li Feng