Ipinatalastas ngayong araw, Huwebes, ika-10 ng Nobyembre 2016, ng Ministring Panlabas ng Tsina, na mula ika-17 hanggang ika-23 ng buwang ito, magsasagawa si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng dalaw-pang-estado sa Ecuador, Peru, at Chile. Sa pananatili sa Peru, dadalo ang Pangulong Tsino sa Ika-24 na Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na idaraos sa November 19 at 20 sa Lima, kabisera ng naturang bansa.
Ito ang ika-3 biyahe ni Pangulong Xi sa Latin-Amerika, at inaasahang pasusulungin nito ang relasyon ng Tsina sa naturang tatlong bansa.
Sa pulong naman ng APEC, ihaharap ni Xi ang mga mungkahi hinggil sa pagpapasulong ng pagtatatag ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Asya-Pasipiko, pagpapalakas ng kooperasyon ng mga kasapi ng APEC sa interkonektibidad at pandaigdig na value chain, at pagtataguyod ng inklusibong paglaki sa Asya-Pasipiko. Umaasa ang panig Tsino na matatamo ng pulong ang bunga sa naturang mga aspekto.
Salin: Liu Kai