Nakatakdang bumoto Martes, Nobyembre 22, 2016, ang Pambansang Asemblea ng Biyetnam upang pagpasyahan kung sususpendihin o hindi ang proyekto ng konstruksyon ng nuclear power plant sa bansa. Ipinalalagay ng mga mediang lokal na tiyak na ibabasura ang proyektong ito. Ito ay nangangahulugang pagkabigo ng unang nuclear power plant export project ng Hapon, bagay na grabeng magbibigay-dagok sa estratehiya ng pagluluwas ng enerhiyang nuklear na puspusang isinusulong ng pamaalaan ni Shinzo Abe.
Sa isang pahayag na ipinalabas kamakailan ng pamahalaang Hapones, sinabi nitong ipinagbigay-alam na ni Pangalawang Punong Ministro Trịnh Dinh Dung ng Biyetnam sa pamahalaang Hapones na natiyak ng panig Biyetnames ang pagsuspendi sa pag-aangkat ng naturang proyekto mula sa Hapon. Ipinahayag naman ni Hiroshige Seko, Ministro ng Kabuhayan at Industriya ng Hapon, ang "lubos na kalungkutan" tungkol sa nasabing kapasiyahan ng Biyetnam.
Salin: Li Feng