NAGMARTSA ang mga mamamahayag na kabilang sa National Union of Journalists of the Philippines at mga kamag-anak ng mga nasawi sa tinaguriang Maguindanao Massacre mula sa Morayta at nagtungo sa Mendiola Bridge.
Bulok umano ang pamamalakad at paggagawad ng katarungan sa bansa sapagkat tumagal na ng pitong taon ang insidente ng wala pa ring liwanag ng patutunguhan.
Ngayon ang ikapitong anibersaryo ng malagim na pangyayari sa Maguindanao na ikinasawi ng 58 katao na kinabibilangan ng mga mamamahayag. Wala pang hatol sa mga akusadong sina Governor Andal Ampatuan, Jr. at mga kamag-anak.
Sa 197 akusado, 114 na ang nadakip at 112 na ang nabasahan ng sakdal kabilang na si Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. na namatay na sa piitan.
Sinabi ni UP Professor Danilo Arana Arao na umaasa siyang sa ilalim ni Pangulong Duterte na kilala sa pagkakaroon ng political will ay madadali ang paglutas sa usapin.