Beijing, Nobyembre 28, 2016—Nag-usap Lunes sina Li Keqiang, Premiyer ng Tsina at Thongloun Sisoulith, dumadalaw na Punong Ministro ng Laos.
Ipinahayag ni Li na ang Tsina at Laos ay magkapitbansang magkaibigan, may pagtitiwalaan at pagkatig sa isa't isa. Patuloy aniyang magsasagawa ng mga patakarang pangkaibigan ang Tsina sa Laos, at nakahanda itong pahigpitin ang kooperasyon para sa komong pag-unlad at pangangalaga ng kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon.
Sinabi ni Li na ang taong ito ay ika-25 anibersaryo ng pagtatatag ng relasyon ng diyalogo ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Bilang kasalukuyang tagapangulo ng ASEAN, gumaganap ang Laos ng positibong papel para sa pagpapahigpit ng relasyong Sino-ASEAN. Aniya pa, ang susunod na taon ay ika-50 anibersaryo ng pagtatatag ng ASEAN, at matatag na kumakatig ang Tsina sa konstruksyon ng komunidad ng ASEAN. Kumakatig din ang Tsina sa sentral na katayunan ng ASEAN sa kooperasyong panrehiyon, at nakahanda ang Tsina na aktibong lumahok sa iba't ibang aktibidad ng ASEAN, dagdag ni Li.
Ipinahayag naman ni Sisoulith na ang Tsina ay tunay na kaibigan ng Laos. Sa kasalukuyan, mabuti ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, madalas ang pagpapalitan sa mataas na antas, at mabunga ang kooperasyon aniya pa. Ang Laos-China Railway ay mahalaga aniya para sa pag-unlad ng Laos, at puspusang pasusulungin ng Laos ang progreso ng proyekto. At nakahanda rin aniyang patuloy na magsikap ang kanyang bansa para mapahigpit ang relasyon ng ASEAN at Tsina.
salin:Lele