Idinaos noong nagdaang Biyernes, November 18, 2016 sa Vientiane Sorkpalouang Elementary School at Vientiane Middle School ang aktibidad na pinamagatang "Pagpasok sa Kampus ng Kulturang Tsino," na itinaguyod ng Embahadang Tsino sa Laos.
Sa aktibidad na ito, itinanghal ng panig Tsino ang Taiji, paper cutting, paggawa ng Chinese Knot, tea ceremony, at iba pa. Ang mga ito ay nakatawag ng mainit na pagtanggap ng mga estudyanteng lokal.
Ipinahayag ni Zhao Chenggang, Political Counselor ng Tsina sa Laos, na ngayong taon ay ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Laos, at pumasok na sa komprehensibong pag-unlad ang relasyon ng dalawang bansa. Aniya, mahaba ang kasaysayan at mayaman ang kultura ng Tsina. Umaasa aniya siyang susubaybayan ng mga estudyante ng Laos ang Tsina at mag-aaral sila sa Tsina sa hinaharap, para maging sugo ng pagkakaibigang Sino-Lao.
Pinasalamatan naman ng mga punong-guro ng dalawang paaralan ang Embahadang Tsino. Anila, ang aktibidad na ito ay ibayo pang magpapahigpit ng pagpapalitang pangkaibigan ng mga kabataan ng dalawang bansa.
Salin: Andrea